ANIM na araw bago ang itinakdang posibleng pagpapalit ng pinuno ng 225,000- strong Philippine National Police ay may dalawa na umanong kasama sa shortlist ng mga pinagpipiliang uupo bilang bagong PNP chief ang isinumite na sa Malacañang.
Si General Benjamin Acorda, miyembro Philippine Military Academy Sambisig Class of 1991, ay dapat sanang bumaba sa kanyang puwesto sa darating na Marso 31, 2024 subalit napag-alaman na itinakda na ng PNP ang official change of command ceremony para sa bagong PNP Chief sa Marso 27, 2024.
“We are already preparing for a change of command. In fact, we already have a date, 27 March,” pahayag pa PNP spokesperson, Col. Jean Fajardo sa isang panayam.
Napag-alaman na may mga matunog nang posibleng papalit sa mababakanteng posisyon ni Gen. Acorda na kinabibilangan nina PNP-National capital regional Police Office chief Major General Jose Melencio Nartatez, Jr., ang number two man at PNP Deputy Chief for Administration Lt. Gen. Emmanuel Peralta; PNP Directorate for Operations Chief Police Major General Ronald Lee, Directorate for Comptrollership Chief Police Major General Jose Francisco Marbil at Special Action Force Director Police Major General Bernard Banac; Brig Gen. Mathew Baccay, Deputy Directorate for Personnel and Records Management at si Maj. Gen. Leo “Paco” Francisco, ang hepe ng Directorate for Investigation and Detective Management
Hanggang sa kasalukuyan ay wala pa umanong napipisil si Pangulong BongBong Marcos, Jr. na maaaring pumalit kay Chief PNP General Benjamin Acorda at usap-usapan sa PNP Headquarters sa Camp Crame, na maaari pa umano ma-extend si Gen. Acorda sa kanyang puwesto.
Samantala, inihayag ni Fajardo na bilang paghahanda sa Semana Santa na magsisimula sa Lunes, Marso 25, nakatakdang mag-ikot si Acorda sa mga ‘areas of convergence’ tulad ng mga paliparan at pantalan, gayundin sa mga terminal ng mga pampublikong sasakyan na bahagi ng kanyang patuloy na pagtupad sa tungkulin.
Matatandaan na pinalawig ni Pangulong Marcos, Jr. ang termino ni Acorda hanggang Marso 31 mula sa nakatakda sanang pagre-retiro nito noong Disyembre 3, 2023.
Kamakailan ay isiniwalat ni Acorda na dalawang pangalan ang isinumite niya sa Malakanyang at inirekomenda kay Pangulong Marcos bilang susunod na bagong PNP Chief, subalit hanggang ngayon ay wala pa ring linaw kung papalitan na ba si Gen. Acorda o muling binigyan ito ng isang extension sa kanyang tour of duty bilang PNP chief.
Una nang inamin ni Fajardo na wala siyang impormasyon kung muling palalawigin ng Malakanyang ang panunungkulan ni Acorda o hindi.














