By Itchie G. Cabayan
Dinakip ng mga tauhan ng Manila Police District -Station 12 ang dalawang vegetable helper na diumano ay nang-holdup sa dalawang Grade 8 student habang naglalakad ang mga biktima papunta sa birthday ng kanilang kaibigan, kamakalawa ng gabi sa Southbound Lane ng R10 Mel Lopez Blvd., Brgy. 29, Tondo, Maynila.
Kapwa naka-detine ngayon sa MPD-PS 12 ang mga suspek na sina Manuel Ferrer,26; at Jonie Jangie ,31, na parehong taga- Tondo.
Ayon sa reklamo.ng mga biktima na parehong Grade 8 student at menor de edad, naglalakad sila sa nabanggit na lugar dakong alas-9 ng gabi nang lapitan at holdapin sila ng dalawang suspek.
Matapos kunin ang kanilang cellphone at pati tsinelas ay mabilis na umalis ang suspek.
Agad na humingi ng tulong ang mga biktima sa mga nagpapatrulyang pulis di kalayuan sa pinangyarihan ng insidente.
Sa ginawang backtracking ng CCTV ay naaresto ng mga pulis ang dalawang suspek at nabawi ang cellphone ng isa sa mga biktima.
Samantala, ipinagharap na ng kasong robbery ang mga suspek sa Manila Prosecutor’s Office.














