Dalawang estudyante, nalunod sa Rizal

By: Philip Reyes

Dalawang estudyante ang kapwa patay nang malunod sa magkahiwalay na insidente sa Rizal, kamakalawa.

Batay sa ulat ng Rizal Provincial Police Office (RPPO), nakilala ang mga biktima na sina Reyna Daplas, 10, Grade 2 student, ng Rodriguez, Rizal at Edgardo Nuñez, 17, Grade 10 student, residente ng Quezon City.


Sa report ng Rodriguez Municipal Police Station, nabatid na dakong alas-2:30 ng hapon nang malunod si Daplas sa Spillway ng Brgy. San Rafael, sa Rodriguez.

Kasalukuyan umanong naliligo ang pamilya ng biktima sa lugar nang mapansin ng ina ng biktima na nawawala na ang anak.

Kaagad umano nilang hinanap ang bata ngunit patay na ito nang kanilang matagpuan.


Sa ulat naman ng San Mateo Municipal Police Station, nabatid na dakong alas-11:00 ng umaga nang malunod si Nuñez sa Malaegno River, sa Brgy. Silangan, San Mateo.

Nagkayayaan lamang umano ang biktima at kanyang mga kaibigan na maligo sa ilog ngunit sinawimpalad na matangay ng malakas na agos ng ilog ang biktima hanggang sa malunod.


Naisugod pa ito sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center sa Marikina City ngunit idineklara na ring patay ng mga doktor.


Tags: Rizal Provincial Police Office (RPPO)

You May Also Like