Latest News

DALAWANG DATING PULIS, ARESTADO SA PAGKAMATAY NG BEAUTY QUEEN AT BF NA ISRAELI

By: Victor Baldemor Ruiz

DALAWANG dating pulis ang dinakip ng mga awtoridad kasama ang isang real estate middleman at isa pang person of interest na hinihinalang sangkot sa pagkawala ng Pampanga beauty pageant candidate na si Geneva Lopez at Israeli fiancé na si Yitzhak Cohen na kapwa natagpuang naagnas nang mga bangkay nitong Sabado, Hulyo 6, 2024 sa isang quarry site sa Tarlac.

Kinumpirma ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos, Jr. at PNP Chief General Rommel Francisco Marbil ang pagkakaaresto kina Michael Angelo Guiang kaugnay sa kasong paglabag sa RA 10591 — the Comprehensive Firearm and Ammunition Regulatory Act — at RA 9516, at kay Rommel Abuza sa paglabag sa RA 10591.

Sa ikinasang ‘Oplan Paglalansag Omega’ ng Philippine National Police laban sa private armed groups at kampanya kontra loose firearms ay nakasamsam din ang mga pulis ng iba’t- ibang armas at granada sa operasyon.

Kinumpirmani National Bureau of Investigation Director Jaime Santiago na ang mga katawang nadiskubre sa Capas, Tarlac ay ang nawawalang sina Lopez at Cohen.

Matatandaang nahukay ng mga awtoridad ang bangkay ng dalawa sa bakanteng lote sa quarry site sa Barangay Sta Lucia sa bayan ng Capas at isinailalim sa autopsy examination at DNA testing/analysis ang mga nahukay na katawan.

Inilunsad ang paghahanap sa mga biktima matapos na mag-isyu ng warrant ang Tarlac City Regional Trial Court-Branch 111 nitong Hulyo 5, 2024.

Bukod sa dalawang nag-AWOL na pulis ay may iba pang indibidwal na iniimbestigahan kaugnay sa kaso.

Huling nakitang buhay ang dalawang biktima nang bisitahin ang lupang bibilhin sana nila sa Capas. Kinabukasan, nakita ang kanilang SUV na sinunog habang nawawala ang mga biktima.

Una nang kinumpirma ng pamilya ni Lopez na mga gamit ng kanilang kaanak ang mga nakitang sinunog. Wala pang pahayag ang pamilya ni Lopez at Cohen sa kumpirmasyong ito ng NBI.

Dinala ang mga labi ng dalawang biktima sa punerarya sa San Vicente, Tarlac at isasailalim sa autopsy examination at DNA testing/analysis.

Maaalalang nawala ang magkasintahan noong June 21, 2024 makaraang makipagkita sa isang middleman ng lupain na kanila sanang bibilhin.

Tags:

You May Also Like

Most Read