Matapos na anurin, dalawang barko ang iniulat na sumadsad sanhi ng malakas na hangin at alon na dulot ng bagyong Kristine.
Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), ang MV Super Shuttle Roro 2 ay inanod patungo sa multi-purpose berth ng Batangas Port. kamakalawa ng hapon.
“Due to Tropical Storm Kristine’s powerful winds and waves, the vessel’s anchor broke, causing it to drift dangerously close to the port” ayon sa PCG.
Nakipag-ugnayan naman ang may-ari ng barko sa pag- dispatch ng tugboat upang hilahin at i-secure sana ito ngunit hindi natuloy ang towing operation dahil sa masamang lagay ng panahon.
Patuloy namang mino-monitor ng Coast Guard Station Batangas ang sitwasyon para matiyak na ligtas ang barko at iba pang gumagamit ng daungan .
Napag-alaman na ang MV Super Shuttle Roro 2 ay isang “dead ship” na may tatlong duty personnel.
Nakatakda na umano ito para sa dry docking at nakaangkla sa labas ng Delta Anchorage Area sa Bauan, Batangas noon pang Nobyembre 5, 2023.
Samantala, sinabi ni PCG spokesperson Commodore Algier Ricafrente na isa pang barko ang sumadsad naman sa San Agustin, Romblon, dahil pa rin sa pananalasa ng bagyo.
Nakaangkla umano ang barko ngunit dahil sa lakas ng hangin at alon ay nabunot ang anchor nito, na nagresulta sa kanyang pagsadsad.
Ayon sa PCG, nasa maayos na kondisyon ang mga tripulante ng barko at wala ring indikasyon na nagkaroon ito ng oil spill o pagtagas ng langis.














