NAGSASAGAWA ngayon ng magkahiwalay na imbestigasyon ang Philippine Ports Authority (PPA) at Bureau of Customs (BOC) hinggil sa dalawang bangkay na pinadala sa Thailand mula sa Pilipinas.
Ang mga naagnas na bangkay ng isang lalaki at isang babae ay nakalagay sa loob ng isang container van at sakay ng isang barko na umalis sa bansa noong Setyembre 23 at dumating sa Laem Chabang Port sa Thailand makalipas ang limang araw, base sa paunang impormasyon mula sa PPA.
Ayon kay Eunice Samonte, tagapagsalita ng PPA, nakikipag-ugnayan na rin sila sa BOC hinggil sa imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang mga nasa likod ng shipping ng nadiskubreng dalawang bangkay na nakasilid sa container van sa Thailand noong nakaraang linggo.
Kinumpirma ng Philippine Ports Authority (PPA) ang pagkadiskubre ng isang lalaki at isang babae na naaagnas na ang katawan batay sa kanilang mga counterpart sa Thailand.
Batay sa impormasyong natanggap ng PPA, dalawang bangkay ang natuklasan sa loob ng isang container van na dumating sa Laem Chabang Port sa Thailand at ibinaba mula sa isang barko na umalis ng Pilipinas noong Setyembre 23.
Nabatid na deklaradong walang laman ang container van nang umalis sa Pilipinas at nadiskubre na lamang ang mga bangkay nang lilinisin na ito sa Thailand noong Oktubre 2.
May suot na gintong singsing ang babae, samantalang may mga tattoo sa dibdib, likod at balikat ang lalaki. Isang itim na t-shirt na may tatak ng marka ng isang fraternity ang nadiskubre din sa loob ng container van.














