Dalawang babaeng hinihinalang mga bigtime drug personalities ang nadakip sa kinasang joint buy bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency at Philippine National Police sa Edsa Balintawak, Southbound, Barangay Apolonio Samson, Quezon City.
Kinilala ang mga nasakote sa anti- drug operation sina alias Lei, 34, babae walang hanapbuhay at residente ng Barangay Bagong Barrio, Caloocan City at isang menor-de-edad na residente ng Barangay Balonbato, Quezon City.
Matapos na mag-positive ang nakalap na intelligence information at isinagawang surveillance operation ay inilatag ang isang joint anti-narcotics operation ng mga ahente ng PDEA Regional Office IV-A Special Enforcement Team 2, PDEA RO-NCR RSET Team 1 at Quezon City Police District PS1-SDEU, sa harap ng isang botika sa kahabaan ng EDSA Balintawak
Nakumpiska ng mga otoridad ang limang piraso ng knot-tied transparent plastic bag na naglalaman ng humigit- kumulang na 500 gramo ng pinaghihinalaang shabu na may halagang P3,400,000 at buy-bust money.
Kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang kinakaharap ng mga naarestong suspek.














