Latest News

DALAWA, SUGATAN DAHIL SA SELOSONG NAGWALA

By: Baby Cuevas

Sugatan ang isang service crew at kasamahan nito sa trabaho matapos na magwala at manaksak dala ng selos ang dating boyfriend ng kanyang nobya nang magkita sila sa bahay ng babae kamakalawa ng umaga sa Pandacan, Maynila.

Sinampahan kahapon ng two counts of frustrated murder sa Manila Prosecutor’s Office ang suspek na si Cyril Gregorio y Rabino ,29 , ng No. 1408 Ilang Ilang St., Brgy. 849 Pandacan Maynila.

Sa imbestigasyon ni PCMS Philip De los Santos ng Manila Police District -Police Station 10, naganap umano ang insidente alas- 6:30 ng umaga nang puntahan ni Erwin Nepomuceno y Burce, 23 , service crew at residente ng Mendiola Extension sa Brgy. 829 Paco, Maynila, ang nobyang si Sherelyn Cabial y Arendon, 31 , cashier at nakatira rin sa address ng suspek. Kasama ni Nepomuceno si Michael Salazar Y Dimaano, 26 , kitchen crew ng taga -423 Ilang- Ilang St., Pandacan.

Nang makita ng suspek ang dalawang biktima ay nagselos ito, na nagresulta ng pagtatalo.

Sa kasagsagan ng pagtatalo, bumunot ng patalim ang suspek at inundayan ng saksak ang mga biktima. Tinamaan sa likod si Salazar habang sa dalawang kamay naman nasugatan si Nepomuceno.

Kaagad na isinugod sa ospital ang mga biktima habang inaresto naman ng mga nagrespondeng pulis ang suspek na ngayon ay naka-detine sa MPD-PS10.

Tags:

You May Also Like

Most Read