Latest News

DALAWA PANG ‘PERSONS OF INTEREST’ SA MSU BOMBING

By: Victor Baldemor Ruiz

UMAKYAT na sa apat ang itinuturing na Person of Interest ng Philippine National Police (PNP) kaugnay sa naganap na pagpapasabog sa loob ng Mindanao State University sa Marami City .

Nabatid na bukod sa unang dalawang tao na tinutukoy na persons of interest (POI) sa isinasagawang imbestigasyon ng PNP na may kaugnayan sa pagpapasabog ng hinihinalang Improvised Explosive Device sa MSU ay nadagdagan pa umano ito ng dalawa.

Base sa mga nakalap na impormasyon at ilang video footages ay may dalawa pa umanong kasabwat ang mga ito na nagsilbing look-out.

Ayon kay PNP PIO chief PCol. Jean Fajardo, ang 2 POI na tukoy na ang pagkakakilanlan ng mga ito matapos silang positibong kinilala ng mga churchgoers o testigo.

Magugunitang patuloy ang massive operation ng PNP kasunod ng naganap na Marawi blast sa layuning kilalanin at tugisin ang mga responsable sa bomb attacked sa loob ng MSU Gym habang may nagaganap na Advent mass noong Linggo ng umaga.

Lumilitaw na kinilala ng mga testigo ang mga sinasabing POI matapos na pakitaan sila ng mga larawan ng mga imbestigador .

Patuloy na tinutugaygayan ng mga awtoridad ang mga sinasabing POI na pansamantalang hindi muna kinilala habang patuloy ang ginagawang case build-up.

Sinasabing may kaugnayan ang mga ito sa isang local terrorist group sa Mindanao na mayroon nang kasong kriminal na kinasasangkutan.

Samantala umaapela ang PNP sa publiko na maging mahinahon at iwasang gumawa ng mga akusasyon kaugnay sa nangyaring pag-atake ng mga terorista sa campus ng Mindanao State University.

Hindi rin umano makatwirang ituro ang pangyayari sa sinuman o anumang grupo base sa kanilang prinsipyo, paniniwala o pananampalataya.

Una kasing kumalat sa social media ang mga post hinggil sa umano’y religious war ang dahilan ng nangyaring pagpapasabog sa MSU.

Subalit sa likod nito ay inatasan ng PNP leadership ang ground commanders na paigtingin ang target hardening mga maituturing na soft target partikular na sa mga simbahan.

Subalit nilinaw ng PNP, ito’y hindi lamang dahil sa naganap na pagpapasabog nangyari sa MSU kundi bahagi ng security measures sa panahon ng kapaskuhan.

Pinasisiguro ng PNP chief ang pinalakas na police visibility sa mga simbahan sa pagsisimula ng Simbang Gabi sa darating na Disyembre 16.

Pinatutukan din ng PNP chief ang pagbabantay sa mga matataong lugar tulad ng mga commercial center at tourist spots.

Nilinaw naman ni Fajardo na walang namo-monitor na seryosong banta ang PNP sa Metro Manila at ang paghihigpit ng seguridad ay pagpapatuloy lang ng proactive stance ng PNP.

Tags:

You May Also Like

Most Read