Latest News

Dalawa katao, patay sa sunog sa bus terminal sa Marikina

By: Philip Reyes

Dalawang katao ang patay sa isang sunog na sumiklab sa isang terminal ng bus sa Marikina City nitong Linggo ng umaga.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga biktima.


Batay sa ulat ng Marikina City Bureau of Fire Protection (BFP), nabatid na dakong alas-9:24 ng umaga nang maganap ang sunog sa BFCT East Metro Transport Terminal, na matatagpuan sa Barangay Calumpang, Marikina City.

Lumilitaw sa imbestigasyon na kasalukuyan umanong may nagkakarga ng mga bagahe sa isa sa mga sasakyan sa terminal nang sumiklab ang sunog.

Ayon sa ilang saksi, nakarinig pa sila ng mga pagsabog bago nagkaroon ng apoy sa terminal.


Nadamay sa sunog ang isang malaking truck, isang bus at isang closed van.

Natagpuan naman ang mga bangkay ng mga biktima sa pagitan ng mga nasunog na truck at bus, na nakaparada sa terminal.


Nag-iimbestiga pa ang mga awtoridad para matukoy ang pinagmulan ng sunog, na umabot lamang ng unang alarma bago tuluyang naapula.

Kabilang umano sa inaalam ay kung posibleng may mga paputok na ikinakarga sa mga sasakyan na posibleng pinagmulan ng apoy.


Tags: Marikina City Bureau of Fire Protection (BFP)

You May Also Like