INARESTO ng mga ahente ng National Bureau of Investigation – Anti-Fraud Division (NBI-AFD) ang dalawang indibiduwal na nagbebenta sa Facebook ng bahagi ng P6-milyon halaga ng laptop na nagoyo diumano mula sa isang kumpanya noong Nobyembre 21,2023 sa San Mateo Rizal.
Nahaharap sa kasong paglabag sa kasong estafa sa ilalim ng Article 315 ng Revised Penal Code (RPC) in relation to R.A. 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012) ang suspek na si Danilo Teofilo Jr.,alyas Dan at Carlos Gonzales.
Nag-ugat ang operasyon ng NBI sa reklamong isinampa ng Accent Micro Technologies, Inc., isang kumpanya na sangkot sa trading ng computers.
Ayon sa reklamo, isang Joseph Wee ang bumili ng 150 units ng laptop na nagkakahalaga ng P5,842,500.
Noong Nobyembre 13,2023 ay binayaran ni Wee ang laptop gamit ang BDO Cash Deposit Slip ang AMTI sales agent.
Kinuha ang laptops ng kinatawan ni Wee na nakilalang si Julie Grace Dy.
Kinabukasan,ipinaalam ng BDO sa AMTI na ang BDO account ni Wee ay sarado na at doon naisip ng kumpanya na nagoyo sila ni Wee.
Hanggang makita ng AMTI’s Credit Manager ang isang FB post na nagbebenta ng laptop na kaparehas ng specifications ng mga laptop na binili ni Wee.
Napag-alaman na kinontak ng Credit Manager ang cellphone number na ibinigay sa FB page at naka-order ng 35 units ng laptop sa isang Dan ng Dan’s Laptop.
Noong Nobyembre 21, nagpunta ang NBI-AFD sa San Mateo, Rizal at inaresto sina Teofilo at Gonzales.














