HAWAK na ngayon ng mga awtoridad ang isang lalaki na responsable sa pananaga sa 22- anyos na coed na anak ng kanyang kainuman, ilang oras matapos ang krimen sa bayan ng Sibagat, Agusan Del Sur.
Ayon sa ulat, nadakip sa isinagawang follow-up operation ng Sibagat Municipal Police Station ang suspek na kinilalang si Ricky Abarquez, 34, tubong Pagadian City.
Patay sa multiple hackwounds ang graduating student na si Rezalyn Salahay, solong anak ng lalaking kainuman ng suspek .
Nabatid na naganap ang krimen nitong Linggo sa loob mismo ng kanilang bahay sa Purok-4, Barangay Kulambogan bayan ng Sibagat.
Ayon kay Police Capt. Joel Ablan, hepe ng Sibagat Municipal Police Station, bago ang pangyayari ay masaya pang nag-iinuman ang suspek na kalilipat lamang sa nasabing lugar at ama ng biktima na nagdiriwang ng kanyang birthday, kasama ang ilang bisita.
Sinasabing nagkaroon ng argumento ang suspek at ang dalaga at nang umuwi na ang ibang mga bisita at nakatulog na rin ang ama nito dahil sa kalasingan ay sinalakay ng lasing ding suspek ang dalaga.
Hiniling na isalang sa medico-legal examination ang labi ng biktima para mapagtibay ang kasong isasampa laban sa salarin.














