SINABI ng Department of Health (DOH) na bumaba na sa 389 na lamang ang daily average cases ng COVID-19 sa bansa nitong nakaraang linggo.
Ayon sa DOH, ito’y mas mababa ng 24% kumpara sa naitala noong nakaraang linggo.
Batay pa sa datos na inilabas nitong Lunes, mula Marso 21 hanggang 27 ay nasa 2,726 bagong kaso ng COVID-19 lamang ang kanilang naitala.
Wala ring bagong naitalang kaso ng severe at critical case ng virus.
Hanggang noong Marso 27 naman, nasa 758 na lamang ang kabuuang kaso ng severe at critical cases ng COVID-19 sa bansa na naka-admit sa mga pagamutan.
Sa 3,204 ICU beds para sa mga pasyenteng may COVID-19, 484 (15.1%) ang okupado habang 16.7% ng 27,547 non-ICU COVID-19 beds naman ang kasalukuyan ding ginagamit.
May 752 namang bagong naitalang nasawi dahil sa virus noong nakaraang linggo, ngunit ayon sa DOH, sa bilang na ito, 107 lang ang nasawi ngayong Marso at ang iba pa ay naitala naman noong Pebrero at Enero ng 2022, 2021 at 2020 pa.
Iniulat rin ng DOH na mahigit na sa 65 milyong indibidwal o 72.93% ng target na populasyon ang bakunado na laban sa COVID-19 habang 11.8 milyong indibidwal naman ang nakatanggap na ng kanilang booster shots.
“Sa kabilang banda, 6.5 milyong senior citizens o 75.56% ng ating target A2 population ang nakatanggap na ng kanilang primary series,” anang DOH.
Sa kabila naman nito, pinapaalalalahan ng DOH ang lahat na huwag maging kampante sa banta ng COVID-19.
“Bagkus, dapat natin ipagpatuloy ang tamang pagsunod sa minimum public health standards sa ilalim ng Alert Level 1. Paalala ng Kagawaran ng Kalusugan na laging magsuot ng best-fitted facemask at kung maari, manatili sa well-ventilated na mga lugar. Sa oras na makaramdam ng sintomas, AGAD NA MAG-ISOLATE. Para sa dagdag na proteksyon laban sa banata ng COVID-19, agad-agaran na tayong magpabakuna at booster,” anang DOH. (ANDOY RAPSING)