SA kasagsagan ng nararanasang makapal na volcanic smog sa katimugang Luzon ay nagpahatid ang Office of Civil defense ng may 16,800 na N95 face mask sa mamamayan para makaiwas sa masamang epekto ng nakakapinsalang kemikal mula sa ibinubuga ng bulkan.
Ayon kay Mark Timbal ng OCD-NDRRMC , nakapagparating sila ng tulong sa pamamagitan ng Office of Civil Defense (OCD) Calabarzon ng libo libong N95 mask sa Batangas.
Ito ay bilang ayuda sa mga residente na dumaranas ng volcanic smog mula sa Bulkang Taal.
Ayon kay Mark Timbal ng OCD, nagsagawa sila ng coordination meeting sa pamahalaang panlalawigan ng Batangas at OCD Calabarzon.
Dito ay tinalakay ng mga opisyal ang sitwasyon ng mga apektadong komunidad at ang inaasahang pangangailangan ng PDRRMO Batangas at Cavite.
Ito ay kasunod ng paalala ng Phivolcs at DOST na posibleng magtagal pa ang nararanasang volcanic smog sa Batangas ang mga kalapit na lalawigan.
Nananatili sa Alert level 1 ang Bulkang Taal at wala pang inaasahang major eruption o malaking pagsabog.
Gayunpaman, patuloy na pinag-iingat ang publiko lalo na ang mga may problema sa kalusugan lalo t pinangangambahang magtatagal pa hanggang sa susunod na linggo ang nararanasang volcanic smog sa Bulkang Taal.
Sinabi ni Mariton Bornas, ang hepe ng Volcano Monitoring and Eruption Prediction Division ng PHIVOLCS na posibleng magtagal ang vog sa Taal hanggang September 26.
Paliwanag ni Bornas, mababa ang windspeed sa kalakhang Taal na nasa below 2 meters per second kung kaya’t namumuo ang volcanic sulfur dioxide sa ibabaw ng bulkan.
Nagpaalala naman ang PHIVOLCS sa posibleng banta ng vog sa kalusugan ng tao kay nasa tamang hakbang ang OCD na agad na mamahagi ng libo libong face mask para makaiwas sa posibleng dulot na sakit sa baga lalo na para sa mga may sakit sa puso at asthma, senior citizens, at buntis.
Hinimok naman ni Bornas ang mga residente na apektado o nakakaranas ng vog sa Taal na manatili na lamang sa bahay at isarado ang mga bintana, kung hindi naman maiiwasang lumabas ng bahay ay magsuot ng N-95 mask.














