BUNSOD ng nagpapatuloy na sama ng panahon sa Mindanao dala ng nararanasang epekto ng shearline at buntot ng low pressure areas ay umakyat na sa 20 ang bilang ng nasawi dahil sa pagbaha at landslides.
Sa inilabas na situational report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council kahapon , umakyat na sa 20 ang bilang ng mga indibidwal ang nasawi nang dahil pa rin sa naturang kalamidad sa Davao region.
Ayon sa NDRRMC, ang nasabing datos ay kasalukuyan pa ring isinailalim sa kaukulang validation upang alamin kung ano-ano ang partikular na dahilan ng pagkamatay ng mga ito.
Sa tala ng naturang ahensya, bukod dito ay mayroon ding 11 katao ang sugatan habang dalawa naman ang patuloy pa ring pinaghahanap ng mga otoridad sa naturang rehiyon.
Sa ngayon aypumalo na rin sa kabuuang 1,195,672 katao o katumbas ng 359,133 na mga pamilya ang apektado ng masamang panahon sa 788 na mga barangay sa Northern Mindanao, Davao Region, SOCCSKSARGEN, Caraga at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Mula sa naturang bilang ay 13,241 pamilya o 49,004 katao ang kasalukuyang nanunuluyan ngayon sa mga evacuation centers, habang nasa 99,611 pamilya o 303,060 indibidwal naman ang mas piniling manirahan muna sa kanilang mga kaanak at kakilala.
Nananatiling lubog pa rin sa tubig-baha ang nasa 280 na mga lugar sa nabanggit na mga rehiyon habang patuloy pa ring nakapagtala ng mga pagguho ng lupa.
Umakyat naman sa 15 siyudad at munisipalidad sa CARAGA region ang kasalukuyan nang isinailalim sa state of calamity.