Latest News

DAHIL SA HULIDAP SA SABUNGAN, 10 PULIS NAHAHARAP SA KASONG ROBBERY

MAY 10 pulis mula Pampanga Provincial Police ang kinasuhan dahil sa umano’y pagkakasangkot nila sa “hulidap” modus, matapos salakayin ang isang sabungan sa Bacolor, Pampanga base sa sumbong ng ilang sabungero.

Inirekomenda ng Pampanga police ang paghahain ng kasong robbery laban sa 10 police officers na sinasabing sumalakay sa nagaganap na tupadahan sa isang private residence sa Barangay Duat, sa Bacolor noong nakalipas na linggo.

Ayon sa mga awtoridad, tatlo sa kanila ang naka-assign sa drug enforcement unit habang ang iba ay ang nakatalaga sa intelligence unit.


Sinasabing nagsasagawa ng sabong ang nasa 10 sabungero sa isang compound Barangay Duat sa bayan ng Bacolor nitong Sabado ng umaga nang dumating ang mga suspek at pinag-aaresto sila dahil sa “tupada”.

Nasa P379,700 na cash at mga personal na gamit ang kinuha ng mga suspek mula sa mga biktima, ayon sa mga awtoridad.

Pinalaya umano ng mga suspek ang mga biktima subalit walang pera at gamit bago sila tumakas mula sa lugar ng insidente sakay ng kanilang mga sasakyan.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng PNP sa kaso, habang inihahanda na ang mga naaangkop na reklamo laban sa mga suspek


Pansamantalang nasa kustodiya ng Pampanga Provincial Police ang mga suspek habang inihahanda ang gagawing paglilipat sa kanila sa PNP Regional headquarters sa Camp Olivas, ayon kay Col. Robin Sarmiento, Pampanga Provincial Police chief.

Tahasan namang itinanggi ng mga inakusahang pulis ang paratang sa kanila. Hindi umano nila ninakaw ang pera at mga ari-arian ng sampung complainants. (VICTOR BALDEMOR)

Tags:

You May Also Like

Most Read