Hawak na ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) si former President Rodrigo Roa Duterte matapos na opisyal na ihain kahapon ng umaga ng Prosecutor General ang notification mula sa International Criminal Court para sa isang arrest warrant laban sa dating Pangulo para sa krimen laban sa sangkatauhan.
Kaagad na isinailalim sa booking procedure ang dating Pangulo matapos na maisilbi ang notice paglapag nito sa Ninoy Aquino International Airport mula Hongkong sakay ng Cathay Pacific Airlines.
Kinumpirma ng Malacanang na natanggap nila ang warrant of arrest para kay Duterte mula sa International Criminal Court (ICC). Napag-alamang ang INTERPOL Manila ang tumanggap ng official copy ng warrant of arrest mula ICC bago magmadaling- araw nitong Martes.
Bandang alas- 9:20 ng umaga kahapon, Marso 11 2025, nang dumating ang dating Pangulong Rodrigo Duterte at ang kanyang grupo sa Maynila mula Hong Kong sakay ng Cathay Pacific CX 907.
Ang dating Pangulo at ang kanyang grupo ay nasa mabuting kalusugan at sinuri ng mga doktor ng gobyerno. Sinigurado na siya ay nasa maayos na kalagayan.
Kasunod nito ay dinala ang grupo nina Duterte sa holding area ng Villamor Air base sa loob ng Philippine Air Force Headquarters.
“Ang mga opisyal ng PNP na nagpatupad ng warrant ay tiniyak na may suot na body camera. Sa ngayon, nasa kustodiya na siya ng mga kinauukulan,” ayon sa Presidential Communications Office , bagama’t hindi agad sinabi kung hanggang kailan mananatili ang dating punong ehekutibo sa Villamor area.
May mga umugong na ulat na posibleng agad ding ilabas ng bansa si Digong at i-kustodiya ng ICC o ilagay sa isang third party destination o dalhin agad sa ICC headquarters sa The Hague.
“It is normal for PAF’s secured base facilities to be used as arrival or departure points for air movements of certain important personalities. For operational security, we however defer to the concerned government agency responsible for this activity to confirm and give specific details. Thank you for your understanding, ” pahayag naman ni Air Force Spokesperson Ma. Consuello “Bon Nunag” Castillo.
Samantala, inihayag naman ni Col. Francel Margaret Padilla, tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines (AFP): “Legal and political developments involving former officials fall under the jurisdiction po of the appropriate government agencies.”
“But for the AFP, as a professional organization, the AFP adheres to the chain of command and we remain focused on our mandate. However, together with the appropriate government agencies, we stand ready sir to reinforce efforts to uphold national security and stability when necessary, ” ayon namankay Col Castillo.
Inihayag din ng pamunuan ng AFP na nakahanda silang tumulong kung hihilingin ng ibang security forces at kung kakailanganin, bunsod ng mga magiging kaganapan patungkol sa pagdakip sa dating Pangulo.