PINAG-AARALAN ngayon ng mga legal expert ng Philippine National Police ang paghahain ng dagdag na kasong kriminal laban sa dating heneral ng Philippine Army na inakusahan sa pagkaladkad sa PNP at maging sa Armed Forces of the Philippines sa pinalutang na destabilisasyon laban kay Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr.
Napag-alaman na maging ang pamunuan ng AFP ay kasalukuyang pinag-aaralan ang kanilang gagawing aksyon laban kay dating AFP spokesman ng Army 4th Infantry Division at naging pinuno din ng Army reserve Command at vlogger na si Retired General Johnny Macanas, Sr.
Tinitignan na rin ngayon ng Philippine National Police (PNP) ang pagsasampa ng ‘inciting to sedition’ case laban kay Macanas.
Sa vlog ni Macanas, matatandaang pinalabas niya na kinukumbinsi umano ng mga pinuno ng PNP at AFP si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., na bumaba na sa pwesto.
Ayon kay PNP Chief Police Gen. Benjamin Acorda, Jr., pinag-aaralan na ng kanilang legal team na idagdag ang nasabing kaso laban kay Macanas.
Paglilinaw ng heneral, bahagi ng kanilang mandato na tiyaking mananagot sa batas ang sinumang nakitaan ng paglabag lalo na kung may kinalaman ito sa national security.
Kamakalawa ay pormal na sinampahan ng kaso ni Acorda sa Quezon City Prosecutors Office si Macanas hinggil sa umanoy malisyosong vlog nito at pagkaladkad sa pangalan ng PNP chief at maging sa pangalan ni AFP chief of staff Gen. Romeo Brawner.














