Umabot sa daan-daang residente ang nakinabang sa ikalawang “PuroKalusugan” Program na inilunsad ng Department of Health (DOH) – Ilocos Region sa Purok Pocdol, Bayambang, Pangasinan.
Ayon sa DOH-Ilocos Region nitong Linggo, nabatid na kabilang sa napagsilbihan nila sa naturang programa ay 908 residente mula sa naturang komunidad, gayundin mula sa mga kalapit na barangay.
Nagsilbi namang guest of honor sa naturang aktibidad si DOH Undersecretary for Universal Health Care (UHC) Health Services Cluster for Northern at Central Luzon Maria Rosario S. Vergeire.
“Ang programang “PuroKalusugan” po ay handog ng ating Kagawaran ng Kalusugan upang magdala ng serbisyong pangkalusugan sa mga iba’t-ibang purok ng mga munisipyo. This is also to strengthen primary healthcare in the barangays at the “purok” level,” ani Vergeire.
Pinaalalahanan rin naman ni Vergeire ang mga residente na magsagawa ng regular clean-up activities sa kanilang purok upang mabawasan ang lumalaking bilang ng dengue cases sa kanilang munisipalidad.
Nabatid na kabilang sa health services na ipinagkaloob sa naturang isang araw na aktibidad ay nutrition services, immunization, oral health, family planning, at screening services para sa TB, HIV, Philippine Package of Essential Non-Communicable (PhilPEN) health risk assessment, cervical at breast cancer.
Namahagi rin umano ng iba’t ibang maintenance medicines para sa mga residente at nagdaos ng Information, Education, and Communication (IEC) sa water, sanitation and hygiene (WASH).
Namigay rin ang DOH ng kabuuang 60 sako ng fortified rice sa mga buntis, 15 wheelchairs at 14 na tungkod para sa mga persons with disability (PWD), 50 jerry cans, at 50 Herbal Medicine Access Program (HerbMap) packages para sa senior citizens.
Ayon kay Regional Director Paula Paz M. Sydiongco, ang naturang programa ay alinsunod sa isa sa mga eight-point action agenda ng DOH na, “Bawat Pilipino Ramdam ang Kalusugan, dahil sa Bagong Pilipinas, Bawat Buhay Mahalaga.”
“Mahalaga na lahat ng tao ay ramdam ang pagbibigay ng ating pamahalaan ng mga libreng serbisyong pangkalusugan upang sila ay mapangalagaan and healthcare services are accessible to all Filipinos, regardless of socio-economic status,” pahayag pa ni Sydiongco.
Ang nasabing aktibidad ay isinagawa sa kolaborasyon ng lokal na pamahalaan ng Bayambang, Pangasinan Provincial Health Office, Region 1 Medical Center (R1MC), National Nutrition Council – Region 1 at iba pang partner stakeholders.