Kinumpirma ng isang opisyal ng Department of Health (DOH) na nakapagtala na sila ng iba’t ibang health events sa bansa, na may kinalaman sa El Niño phenomenon, gaya ng water contamination, food-borne at vector-borne illnesses.
Batay sa datos ng DOH, nabatid na hanggang nitong Enero, 2024, nakapagtala sila ng 469 kaso ng kontaminadong water sources sa Cordillera Administrative Region (CAR), gayundin sa Regions 11 at 4A.
Mayroon rin umanong 59 kaso ng food-borne illnesses sa National Capital Region (NCR), Region 10, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Nasa 137 naman ang mga kaso ng vector-borne diseases, gaya ng dengue at chikungunya, ang naitala nila sa Regions 10 at 4B.
Sa kabila nito, tiniyak naman ni DOH Assistant Secretary Albert Domingo na ang naturang bilang ng mga El Niño-related health events ay hindi pa naman nakakaalarma sa national scale.
Paniniguro rin niya, patuloy nilang binabantayan ang mga kaso, na ang iba ay nireresolba na, habang ang iba naman ay nasolusyunan na.














