Isang 38-anyos na lalaking ‘wanted’ sa serye ng kasong kriminal at rape gamit ang online platform ang arestado ng mga tauhan ng Manila Police District-Police Station 11 kamakalawa ng gabi sa may Philippine General Hospital sa Taft Avenue, Ermita Maynila.
Ang suspek na si John Cedrick Valdez, alyas John Cedrick Mejia, ng No. 165 Tagaytay Street, Caloocan City, ay inaresto sa bisa ng arrest warrant na inisyu ng Metropolitan Trial Court at Manila Regional Trial Court para sa kasong attempted rape ,light threats, robbery, apat na kasong rape, paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012 (Section 4 (A) (1) and (5) of RA 10175), at sa Cybercrime Prevention Act of 2012 (Section 4 (B) (3) of RA 10175).
Walang inirekomendang piyansa ang korte para sa apat na kasong rape.
Diumano ay modus operandi ng suspek na maghanap ng bibiktimahin sa Facebook. Ang suspek ay iniuugnay sa walong biktima na nagsumbong ng mga karanasan nila sa Manila District Anti-Cybercrime Team mula Enero 2022 hanggang sa kasalukuyan.
Ayon sa mga biktima, sinimulan ni Valdez ang kanyang mga gawain sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa kanila sa iba’t- ibang Facebook pages ng Customer Care Assistant (CCA). Nagpapanggap siyang ‘middleman’ para sa isang banyagang kliyente na diumano’y may mga ipapagawa sa mga biktima.
Matapos mapaniniwala, sumunod ang mga biktima sa kanyang mga utos hanggang sa nakikipagkita siya sa mga biktima sa mga hotel kung saan naitatala ang mga gawaing sekswal kapalit ng pera.
Pagkatapos ng bawat engkuwentro ay hinihiram umano ni Valdez ang mga cellphone ng biktima gamit ang iba’t- ibang dahilan, pero pagkatapos niyan ay tumatakas siya bitbit ang mga cellphone at hindi binabayaran ang mga biktima.
Sa mga ninakaw na cellphone, nagkaroon siya ng access sa social media accounts ng mga biktima at ginamit niya ito upang magpanggap at humingi ng pera sa mga kaibigan, pamilya at mga nakaka-chat ng mga biktima.
Napag-alamang nagamit din ng suspek ang Gcash account ng mga biktima, pati na rin ang kanilang messenger accounts para makahanap ng susunod na bibiktimahin.