NAGSASAGAWA ngayon ng pag-aaral ang National Irrigation Administration (NIA) na baguhin ang cropping calendar sa bansa para mabawasan ang pressure sa mga dam lalo na sa panahon ng El Niño.
Layunin din nito na mapangalagaan ang imbak na tubig sa mga malalaking dam sa Luzon tulad ng Pantabangan Dam na pangunahing source ng patubig sa panahon ng taniman.
Ayon kay NIA Administrator Engr. Eduardo Guillen, irerekomenda nilang simulan ang pagtatanim sa October, sa halip na December, para sumakto ang anihan pagdating ng Pebrero.
Paliwanag ni Guillen, sa pamamagitan ng nasabing pagbabago sa cropping season ay masusuri din ng NIA nang maaga ang lagay ng Pantabangan Dam kung sasapat pa ang tubig hanggang sa susunod na cropping na magsisimula naman sa buwan ng Marso hanggang Hunyo.
Pahayag pa ng opisyal, kung sakaling magkaroon ng shortage sa patubig ay irerekomenda nila ang cloud seeding para may pangsuporta sa mga pananim.
Samantala, sa Calabarzon ay mas pinalakas pa ng NIA ang suporta sa Food Security initiative ni President Ferdinand Marcos, Jr. sa pamamagitan ng programa ng ahensya na Rice Contract Farming.
Lumagda sa isang kasunduan ang may anim na Irrigators Associations (IAs) na sakop ng Agos RIS sa Infanta, Quezon na maging kabahagi ng nasabing programa.
Ang rice contract farming ay isang social at economic program ng NIA na isinusulong ni NIA Administrator, Engr. Eduardo Eddie G. Guillen upang mapataas ang kita ng magsasaka at mapaganda ang kanilang kabuhayan.
Layunin nito na epektibong masuportahan ang mga magsasaka upang mapataas ang produksyon ng bigas at mapaganda ang kita at kabuhayan,.
Ginanap ang Ceremonial Launching at Memorandum of Agreement (MOA) Signing para sa Rice Contract Farming sa pagitan ng NIA Quezon Irrigation Management Office (QIMO) at Federation of AGOS River Irrigation System Farmers IA (FARFIA) Inc. sa Infanta, Quezon.
Sakop ng nasabing MOA ang nasa may 79 ektaryang palayan sa nasabing bayan na napatubigan ng Agos River Irrigation System (RIS). Susuportahan ng programa ang nasa may 198 na magsasaka na kabilang sa anim na Irrigators Associations (IAs).
Nakasaad sa kasunduan na magbibigay ang NIA ng nasa P50,000 kada isang ektarya para sa inisyal na puhunan sa mga magsasaka na nasa ilalim ng programa para sa mga gagamitin na farm inputs tulad ng binhi at fertilizers at iba pang gastos para pagsasaka tulad ng land preparation.