INIHAYAG ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III na nalampasan na ng Pilipinas ang crisis stage ng COVID-19 pandemic.
Tinukoy ni Duque ang paghusay ng nationwide numbers ng COVID-19 cases, pagdating sa two-week growth rate, average daily attack rate (ADAR) at healthcare utilization rate (HCUR).
“Nalagpasan na natin kasi low risk na nga tayo,” ito ang tugon ni Duque, nang matanong sa isang panayam sa radyo, kung tapos na ba ang krisis sa pandemya.
Ayon kay Duque, ang two-week growth rate ng bansa ay nasa -81% habang ang ADAR ay nasa 7 cases per 100,000 population, na ikinukonsiderang ‘low-risk.’
“Tapos ang ating health systems capacity nasa low risk, mga a little over 30% lang ang kama na nagagamit, so 3 out of 10. Mababa siya,” aniya pa.
Sa kabila naman nito, tutol pa rin ang kalihim na alisin na agad ang mandatory na pagsusuot ng face mask.
Anang kalihim, hindi siya naniniwala na malapit na ang panahon na tanggalin ang naturang polisiya, lalo na at panahon ngayon ng pangangampanya para sa eleksiyon sa Mayo 9.
“Lalo pa natin dapat pag-igtingin ang pagsunod sa minimum health standards,” aniya pa.
Nauna rito, sinabi ni vaccine czar Carlito Galvez Jr. na ang mandatory use ng face masks ay maaaring alisin na sa huling bahagi ng taon. (Anthony Quindoy)