TODO-SUPORTA ang National Task Force to End the Local Communist Armed Conflict sa muling pagkakatalaga ng Anti-Terrorism Council sa Communist Party of the Philippines – New People’s Army (CPP-NPA) bilang isang teroristang organisasyon.
Sa isang pahayag, sinabi ni NTF-ELCAC Executive Director Undersecretary Ernesto Torres, Jr. na ang hakbang na ito ay mahalaga sa pamahalaan at tagumpay sa pagsisikap ng kasalukuyang administration na tuluyang wakasan ang armadong tunggalian .
Kung maaalala, target ng kasalukuyang administrasyon na tuluyang pulbusin ang natitirang 11 pang guerilla fronts ng NPA bago matapos ang kasalukuyang taon.
Samantala, tinanggap din ni Usec. Torres ang isang ATC Resolution Number 53. Sa ilalim ng resolusyong ito, tinukoy ng konseho si Elizabeth Pineda Principe ng CPP-NPA bilang terorista matapos na makahanap ng ‘probable cause’ para italaga itong isang terorista base sa verified at validated information, sinumpaang salaysay at piraso ng mga ebidensya na nakalap ng iba’t-ibang law enforcement agencies at militar sa bansa.
Bilang isang high-ranking leader at Central Committee member ng CPP-NPA, si Principe ay gumagamit umano ng ibat-ibang alyas bilang isang teroristang indibidwal.
Batay sa datos ng 2023 Global Terrorism Index, ang CPP-NPA ay ika-15 sa ranking ng 20 deadliest terrorist organizations sa buong mundo, kaya pinanatili ng Anti-Terrorism Council ang pagtalaga bilang terorista sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA).
Nananatili rin ang terrorist designation ng Islamic State East Asia (ISEA) at iba pang konektadong grupo sa Pilipinas sa bisa ng pitong- pahinang Resolution No. 53 ng konseho. Kabilang dito ang Abu Sayyaf, Maute group, Maguid, Turaifie, Hassan, at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters.
Paliwanag ng ATC, pinanatili ang terrorist designation ng CPP-NPA o Bagong Hukbong Bayan bilang teroristang organisasyon dahil patuloy na tinatarget ng mga ito ang pwersa ng gobyerno at naghahasik ng takot sa publiko base sa naitalang 268 insidente ng karahasan mula Disyembre 2020 hanggang Agosto 2023.
Gayundin, naging basehan ang pagpatay sa national football athlete na si Keith Absalon sa pagpapasabog ng bomba ng mga rebelde sa Masbate.














