WALA pang nakikitang pagtatapos sa COVID-19 pandemic ang World Health Organization (WHO) makaraan ang mga bagong pagsirit ng mga kaso nito sa iba’t -ibang panig ng mundo.
Ikinababahala ngayon ni WHO chief Tedros Adhanom Ghebreyesus ang pagtaas ng 30% sa mga bagong kaso ng Covid sa loob ng nakalipas na dalawang linggo, dulot ng mas nakahahawang Omicron subvariants. Kung magtutuluy-tuloy ito, may posibilidad na muling mahirapan umano muli ang healthcare system ng mga bansa.
“New waves of the virus demonstrate again that Covid-19 is nowhere near over. As the virus pushes at us, we must push back,” ayon kay Ghebreyesus.
Muli niyang iginiit na dapat itulak ng mga pamahalaan sa mundo ang mahigpit na polisiya sa pagsusuot ng facemask at mas mahusay na bentilasyon sa mga establisimiyento.
Nakadagdag pa umano sa pagtaas ng mga kaso ang pagbaba naman ng “disease surveillance”, maging ang testing at sequencing, kaya nahihirapan ngayon ang mga gobyerno sa pagtaya sa tunay na epekto ng mga variants, katangian nito at kung gaano ka-epektibo ang mga ipinatutupad na polisiya.
“The virus is running freely and countries are not effectively managing the disease burden based on their capacity,” ayon kay sa opisyal.
Pinangangambahan rin ng WHO na dahil sa kakulangan sa mga panuntunan para malabanan ang pagkalat ng virus ay muli itong magbabago at magkakaroon ng iba pang mga variants na mas mapanganib, nakakahawa at mas nakakaiwas sa immunity. (Philip Reyes)














