Nakakalungkot isipin na giniba ang Manila COVID-19 Field Hospital habang nagtataasan na naman ang mga kaso ng COVID sa China at kasabay pa niyan ang paghihigpit ng ilang bansa sa pagpasok ng Chinese nationals sa kanila.
Ang mas nakakalungkot pa riyan ay kung paano winasak ang ilang gamit na maari namang pakinabangan pa gaya ng mga inidoro, na sana ay ipinamigay na lamang sa mga lugar kung saan walang palikuran kagaya ng mga depressed areas ng Baseco at Isla Puting Bato sa Maynila at sa maraming karatig-lugar ng Maynila.
Bagamat nagbababaan na ang kaso ng COVID sa Pilipinas, hindi maikakaila na narito pa rin ang COVID at katunayan nga niyan ay nariyan pa rin ang banta ng muling pagtaas ng mga kaso kasunod ng nangyayari ngayon sa China.
Habang ang ibang bansa ay naghihigpit na sa pagpasok ng mga taga-China sa kanila, walang ganyan sa Pilipinas kaya ni hindi natin mapanghawakan kung ano ang maaring epekto nito sa ating bansa.
Natural, nananalangin tayong lahat na huwag magkaroon ng muling pagtaas ng kaso ng COVID sa Pilipinas pero hindi maaring isantabi ang posibilidad na ito.
Kaya naman sana ay hindi kaagad-agad na binuwag ang COVID-19 Field Hospital sa Luneta.
Bago matapos ang operasyon nito noong October 31, naiulat ni hospital director Dr. Arlene Dominguez kay Mayor Honey Lacuna na ang Manila COVID-19 Field Hospital ay takbuhan ng mga may COVID na walang pambayad sa ospital. Karamihan sa mga naging pasyente nito ay hindi taga-Maynila at mga OFWs o di kaya ay mga referral mula sa Bureau of Quarantine (BOQ) at Tondo Medical Center na kapwa nasa ilalim ng pangangasiwa ng national government.
Ang BOQ ang siyang nagdadala ng mga pasyente na pagdating sa airport ay nadidiskubreng positibo sa COVID.
Matatandaang itinayo ito noon sa pagsisikap ng noon ay Manila Mayor Isko Moreno at Vice Mayor Honey Lacuna bago pa man bumulusok ang mga kaso ng COVID sa bansa.
Inabot ng humigit-kumulang sa P200 milyon ang ginastos para mabuo ang nasabing ospital na may 344 bed capacity at kumpleto sa lahat ng gamit pang-COVID patients at ultimo pagkain sa maghapon ng mga pasyente ay libre.
Noong June 2022, sinabi ni DOH Regional Director Dr. Gloria Balboa kay Moreno na walang kinalaman ang DOH sa planong pagpapaalis sa ospital at pagbaklas dito, nang banggitin ni Manila Health Department chief Dr. Arnold ‘Poks’ Pangan ang ukol sa request ng National Parks Development Committee (NPDC) sa City Hall na tanggalin na ang ospital na inilagay sa Burnham Green sa katapat ng Quirino Grandstand, dahil gagamitin daw ang nasabing lugar para sa ilang proyekto.
Hindi umano inimpormahan ang DOH ukol sa isyu at ni hindi rin kinoordinate sa kanila ng NPDC ang naturang hakbang dahil ultimo sila ay hindi pabor sa balak ng NPDC dahil nga may COVID pa sa bansa.
Mariing tinutulan nina Moreno at Lacuna ang ibinigay na dahilan noon ng NPDC na gagamitin para pagdausan ng concert ang nasabing lugar kung saan nakatayo ang COVID Field Hospital.
Sa katunayan, sumulat pa ang City Hall para ipahayag ang pagtutol sa planong alisin ang field hospital dahil nang mga oras na iyon ay may mga pasyente pa at mas mahalaga nga naman ang paggamot ng me COVID kesa sa concert at nang mga oras na iyon hanggang ngayon, hindi pa naman nawawala nang lubusan ang COVID sa ating bansa. “Nawi-weirdohan lang ako bakit nila minamadali, may pandemya pa,” ani Moreno. Oo nga naman.
***
Nais papurihan ng mga taga-Laguna ang mababait na tauhan ng fire bureau na naka-assign sa Calamba City Hall sa pangunguna nina Fo2 Justine lovely Kaye M. Niebla; Fo2 Jeffrey Becarme at mga kinilala lamang na sina Arquiza at Manaig. Kapwa silang matulungin at magalang makitungo sa tao.
Napakaganda din at maayos ng sistemang umiiral sa kanilang tanggapan para sa mga may kinakailangang papeles doon dahil mabilis at walang pahirap.
Bukod sa kagandahang-loob, pawang magaganda rin talaga at artistahin ang mga nasabing bumberong babae ng gobyerno na sobrang maasikaso at makikitaan mo na talagang mahal nila ang kanilang trabaho.
Siyempre pa, kapuri-puri din naman kasi talaga ang maayos at sistematikong pamamalakad ni Mayor Roseller Rizal sa loob at labas ng City Hall ng Calamba.
Kudos sa kanilang lahat at sana, lahat ng lingkod-bayan ay kagaya nila…
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.














