Tumaas pa ng 82% ang daily average ng COVID-19 cases na naitala sa bansa ngayong linggong ito.
Batay sa weekly update na inilabas ng Department of Health (DOH) nitong Lunes ng hapon, nabatid na mula Hunyo 13 hanggang 19, 2022, nasa 3,051 bagong kaso ang naitala sa bansa.
Ayon sa DOH, ang average na bilang ng bagong kaso kada araw ngayong linggo ay nasa 436, na mas mataas ng 82 percent kung ikukumpara sa mga kaso noong Hunyo 6 hanggang 12.
Nabatid na sa mga bagong kaso, 15 sa mga ito ang may malubha at kritikal na karamdaman.
Samantala, mayroon namang naitalang anim na pumanaw ngunit wala sa mga ito ang naganap noong Hunyo 6 hanggang 12.
“Noong ika-19 ng Hunyo 2022, mayroong 554 na malubha at kritikal na pasyente na naka-admit sa ating mga ospital dahil sa COVID-19. Sa 2,636 ICU beds para sa mga pasyenteng may COVID-19, 385 (14.6%) ang okupado. Samantala, 18.2% ng 22,156 non-ICU COVID-19 beds naman ang kasalukuyan ding ginagamit,” ulat pa ng DOH.
Nasa higit sa 70 milyong indibidwal naman o 77.81% ng target na populasyon ng pamahalaan ang bakunado na laban sa COVID-19 habang 14.8 milyong indibidwal naman ang nakatanggap na ng kanilang booster shots.
Samantala, nasa 6.7 milyong senior citizens o 77.47% ng ating target A2 population ang nakatanggap na ng kanilang primary series.
Patuloy pa rin namang pinapaalalalahan ng DOH ang lahat na huwag maging kampante sa banta ng COVID-19.
Anang DOH, dapat na ipagpatuloy ng lahat ang tamang pagsunod sa minimum public health standards sa ilalim ng Alert Level 1.
Paalala pa ng Kagawaran ng Kalusugan na laging magsuot ng best-fitted face mask at kung maaari, manatili sa well-ventilated na mga lugar.
Sa sandali umanong makaramdam ng sintomas ng sakit ay kaagad na mag-isolate.
“Para sa karagdagang proteksyon laban sa banta ng COVID-19, agad-agaran na tayong magpabakuna at booster,” payo pa nito. (Philip Reyes)