SINABI ng Department of Health (DOH) na nananatili umanong. kontrolado at mild ang mga naitatalang kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ito ay sa kabila ng napapaulat na pagtaas ng mga kaso ng nasabing sakit sa ibang bansa, na dulot ng mga bagong variants nito.
Tiniyak din ng DOH sa publiko na nasa ‘low risk’ ang.kaso ng COVID-19 hanggang noong Mayo 20, 2024.
Wala pa rin umanong ‘scientific basis’ para sa pagpapatupad ng travel restrictions laban sa anumang bansa dahil sa pagtaas ng COVID-19 cases.
Ayon sa datos ng DOH, hanggang noong Mayo 18, 2024 ay nasa 12% o 141 lamang ng kabuuang 1,155 ng mga dedicated COVID-19 ICU beds ang okupado habang nasa 14% o 1,435 lamang ng kabuuang 10,356 ng COVID-19 beds ang ginagamit.
Ang mga severe at critical COVID-19 cases naman na naka-admit sa iba’t- ibang pagamutan ay nasa 151 lamang o 9% ng total admissions, base sa hospital reports ng DOH Data Collect application.
Samantala, ang average number naman ng daily reported cases para sa Mayo 14 hanggang 20, 2024 ay 202, o wala pang kalahati kumpara sa nasa 500 kada araw noong simula ng taon at sa 1,750 kada araw na naitala sa kalagitnaan noong Mayo, 2023.
Ang average na bilang namang ng mga daily reported severe, critical, at ICU COVID-19 admissions hanggang noong Mayo 18 ay higit na mas mababa sa antas nito sa kalagitnaan noong Mayo 2023.
Sa kabilang banda, napag-alaman na mayroon rin namang naitalang 12 pasyente na namatay sa sakit, kabilang ang limang kaso na naganap nito lamang nakalipas na dalawang linggo o mula Mayo 7 hanggang 20, 2024.