Napupuno na umano ng pasyente ang COVID-19 ward ng Philippine General Hospital (PGH).
Ito ang kinumpirma ni Dr.Ted Herbosa,dating adviser ng National Task Force Against COVID-19 at professor ng emergency medicine and trauma surgery sa UP-PGH.
Sinabi ni Herbosa na lima hanggang anim na indibidwal ang nagpo-positibo sa COVID-19 aymt nasa 89 hanggang 90 pasyente ang dinadala sa emergency kada araw.
“Napupuno din ‘yung aming COVID ward kasi kinontian na lang namin ‘yung aming COVID ward nung bumaba ang mga kaso. Pero umpisa nang napupuno ito. So initially, may mga isa o dalawang naiiwan,” ayon kay Herbosa.
Gayunman,sinabi ni Herbosa na karamihan ng pasyente ay di seryoso ang sakit partikular na yung mga nakapag bakuna .
“Pero ‘yung mga cases natin, hindi na masyadong serious, lalo na ‘yung mga nabakunahan. ‘Pag sila ay vaccinated, talagang malaki ang effect na mild lang ang kaso nila at nakakauwi agad sila from the hospital,” dagdag ni Herbosa.
Kaugnay nito,nanawagan si Herbosa sa publiko na patuloy na magsuot ng mask at magpa booster.
“Marami kasi nakakita na parang hindi na serious ‘yung Omicron, ayaw na magpa-third dose or magpa-booster dose. Recommended pa rin namin na sana magpa-booster ‘yung hindi pa nagpapa booster, lalo na ‘yung 50 years old and above,” giit ni Herbosa.
Una nang nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 2,321 bagong kaso ng COVID-19 noong linggo, dahilan para umabot na sa 3,891,418.ang kabuuang bilang ng dinapuan ng virus sa bansa.