Nanatili na kayang proteksiyonan ng mga ginagamit na COVID-19 vaccines ang seryosong sakit na dala ng impeksiyon ng Omicron XBB subvariant at XBC variant.
Ito ang kinumpirma ni Dr. Ted Herbosa, chairman ng University of the Philippines-Philippine General Hospital Department of Emergency Medicine,dahil nanatiling epektibo ang mga vaccines para mapigilan ang severe at critical illness dala ng COVID- 19 o maging iyong mga nasa bingit ng kamatayan partikular na ang vulnerable sectors.
“Importante pa rin na magpabakuna tayo kasi ang findings naman ay lahat naman ng variants na ‘to are still naaapektuhan pa rin ng effect ng bakuna. Useful pa rin ang ating mga primary vaccines at binibigay na booster para ma-prevent pa rin itong XBB at XBC,” ayon kay Herbosa sa isang public briefing.
Una nang naitala sa Pilipinas,ang 81 kaso ng Omicron XBB subvariant at 193 kaso ng XBC.
Ayon sa Department of Health (DOH), ang XBB ay recombinant ng dalawang Omicron subvariants, habang ang XBC ay recombinant ng Omicron BA.2 at Delta (B.1.617.2) variants.
Kapwa ang XBB at XBC ay may “potential immune-escape characteristics.”
“Isang ikinabahala ng mga eksperto dito ay the fact na nare-reinfect ‘yung na-infect na. So nagkakaroon siya ng tinatawag namin na immune-escape. Kahit ikaw ay may anti-body na o nabakunahan na or nagka-previous infections, apparently, nagkakaron pa rin ng symptoms,”dagdag ni Herbosa.
Base sa DOH national COVID-19 vaccination dashboard,nasa 73.4 milyong Pilipino na ang kumpletong nabakunahan ,habang 20.3 milyon ang tumanggap na ng kanilang booster shot.
Nabatid na patuloy ang DOH sa pagmonitor at pagmamanman para matiyak na matutugunan ang posibleng outbreak ng COVID19 dahil sa XBB at XBC. (Arsenio Tan)