Suspendido na muna ang COVID-19 vaccination sa lungsod ng Maynila sa mga susunod na araw, gayundin ang operasyon ng Manila Zoo.
Sa abiso ng Manila City Government, sa pamamagitan ni Atty. Princess Abante, ang tagapagsalita ni Manila Mayor Honey Lacuna, nabatid na layunin nitong bigyang-daan ang paggunita ng Semana Santa 2023.
Ayon kay Abante, noong Miyerkules ay half-day lamang ang COVID-19 vaccination sa lungsod at sa Huwebes Santo, Biyernes Santo, Sabado de Gloria at Pasko ng Muling Pagkabuhay naman na natapat ng Abril 6 hanggang 9, ay suspendido ang bakunahan.
Dagdag ni Abante, wala ring COVID-19 vaccination sa Abril 10, na una nang idineklarang holiday ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. para ipagdiwang ang Araw ng Kagitingan.
Aniya, magbabalik ang regular na operasyon ng bakunahan sa Maynila sa April 11 na.
Ayon naman sa Manila Health Department, na pinamumunuan ni Dr. Poks Pangan, ang available na bakuna para sa adult population sa Maynila ay Sinovac, habang Pfizer naman sa mga batang edad 5 hanggang 11.
Paalala aniya ng Manila LGU, pinakamainam na bakunado upang mas maging ligtas laban sa COVID-19, lalo ngayong ginugunita ang Semana Santa.
Samantala, sarado ang Manila Zoo ng Huwebes at Biyernes Santo at magpapatuloy ng operasyon sa April 8, Sabado, ala-1 ng hapon.
Lahat ng naka-book na appointment sa nasabing mga petsa ay isi-schedule na muli. (JERRY S. TAN)