NILINAW ng isang opisyal ng Department of Health (DOH) nitong Lunes na wala pa sa endemic state ang COVID-19 pandemic sa Pilipinas.
Ito’y sa kabila ng desisyon ng pamahalaan na isailalim na sa pinakamababang Alert Level 1 ang ilang lugar sa bansa, kabilang na ang National Capital Region (NCR).
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na hindi pa rin tapos ang pandemya at ang Pilipinas ay nasa antas lamang ngayon ng transisyon patungo sa ‘new normal.’
“Gusto ko lang din ho ipaliwanag sa ating mga kababayan, hindi pa rin ho tapos ang pandemya. Hindi pa rin tayo dumadating doon sa sinasabi nating endemic state,” ayon pa kay Vergeire.
Matatandaang simula bukas, Martes, Marso 1, hanggang Marso 15, ay isasailalim na ng pamahalaan ang NCR at ilang pang lugar sa bansa sa Alert Level 1.
Babala naman ni Vergeire, maaaring maitaas muli ang alert level sakaling muling tumaas ang bilang ng mga bagong kaso ng sakit gayundin ang hospital utilization rates sa bansa.
“So ang atin pong pagbabantay, pag nakita nating tumataas ang kaso — mas naka-focus tayo sa severe and critical — at kung paano po napupuno ang ating mga facilities, and that would be the signal for us to escalate,” dagdag pa niya.
Hinikayat rin niya ang mga mamamayan na mag-self-regulate at tumalima sa minimum public health standards upang hindi na muli pang magkaroon ng hawahan ng COVID-19. (Anthony Quindoy)