Nagbabala ang OCTA Research Group na may posibilidad na tumaas sa 15% o mas higit pa ang COVID-19 positivity rate hanggang sa mga susunod pa na buwan.
“Hindi pa ito todo, tataas pa ito…Huwag naman sana siya umabot ng 20 percent,” babala ni OCTA Research Group fellow Dr.Guido David.
Kinumpirma ni David na may nangyayaring pagtaas ng COVID-19 infections sa Metro Manila na may 10% positivity rate kumpara sa 7% pagtaas noong nakalipas na linggo.
Sinabi ni David na ang positivity rate ay tulad noong nakalipas na surges ng COVID-19 infections maliban noong may omicron na talagaang nagkaroon ng mataas na surges ng COVID19 .
“Nakakapagtaka pero hindi naman siguro nakakagulat,” ani David.
Una nang naitala noong Lunes ng Department of Health (DOH), ang 1,340 bagong kaso ng COVID-19 mula Nobyembre 28 hanggang Disyembre 4, kung saan nasa 3,311 ang aktibong kaso.
Inaalam pa ng DOH kung ang pagtaas ay may kinalaman sa bagong ‘COVID variant of interest’ na iniulat ng World Health Organization (WHO).














