Inihayag ng OCTA Research Group na unti-unti nang bumababa ang COVID-19 positivity rate sa National Capital Region (NCR) at ilan pang lalawigan sa Luzon.
Ayon sa datos na ibinahagi ni OCTA Fellow Dr. Guido David sa kanyang Twitter account, nabatid na ang NCR ay mayroon na lamang 12.9% na positivity rate hanggang noong Agosto 27 mula sa dating 14.6% noong Agosto 20.
Sinabi pa ni Guido na maging ang mga lalawigan sa Luzon ay nakitaan na rin ng pagbaba sa kanilang positivity rate.
“NCR positivity rate decreased from 14.6% (Aug 20) to 12.9% (Aug 27). Nearly all provinces in Luzon had a decrease in positivity rate,” ayon sa tweet ni David.
Nabatid kay David na ang positivity rate ng Bataan ay bumaba na sa 8.8% na lamang noong Agosto 27, mula sa dating 10.5% noong Agosto 20.
Ang Bataan umano ang nag-iisang lalawigan sa Luzon na mayroong positivity rate na mas mababa sa 10%.
Ang positivity rates ng Albay, Cagayan, Camarines Sur, Isabela, La Union, Nueva Ecija at Tarlac ay bumaba rin, pero nananatili pa rin “very high.”














