Nakapagtala ng mas mababa na sa 5% threshold na itinatakda ng World Health Organization (WHO) ang nationwide COVID-19 positivity rate sa bansa.
Ayon kay OCTA Research Group Fellow Dr. Guido David sa kanyang Twitter account na hanggang nitong Hulyo 22, 2023 ay nasa 4.9% na lamang ang 7-day positivity rate ng bansa sa COVID-19.
Ang positivity rate ay ang porsiyento ng mga taong nagpopositibo sa COVID-19 mula sa kabuuang bilang ng mga pasyenteng isinailalim sa pagsusuri.
Kaugnay nito, sinabi ni David na nakapagtala rin sila ng 290 bagong kaso ng sakit sa nasabing petsa, sanhi upang umabot na sa 4,171,353 ang total COVID-19 cases sa bansa.
Sa naturang bilang naman, 5,199 na lamang ang aktibong kaso o nagpapagaling pa mula sa sakit.
Wala ring naitalang namatay sa karamdaman sa nasabing araw kaya’t nananatili sa 66,542 ang total COVID-19 deaths, habang may 369 pasyente ang gumaling na sa karamdaman, kaya nasa 4,099,612 na ang total COVID-19 recoveries sa Pilipinas.
Idinagdag pa ni David na posibleng makapagtala pa ang Pilipinas ng 200 hanggang 300 bagong kaso ng sakit nitong Linggo, Hulyo 23., 2023.