NANAWAGAN ang Department of Health (DOH) sa lahat ng Pilipino na panatilihin ang pagsunod sa ‘minimum public health standards’ sa paggunita sa Semana Santa at ipinaalala na nananatili pa rin ang COVID-19 sa bansa.
Kabilang sa ibinilin ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire ay ang palagiang pagsusuot ng face mask, isolation kapag nakaramdam ng sama ng pakiramdam, tiyakin na maayos ang sirkulasyon ng hangin sa lugar na ginagalawan, at doblehin ang proteksyon sa pagpapabakuna.
Muli rin rin niyang hinikayat ang mga Katoliko na itigil na ang pagpipinitensya dahil sa banta ng sakit na dulot nito at hindi rin naman ito hinihikayat ng simbahang Katolika.
“As much as possible, refrain activities such as ‘pagpepenitensya’ to avoid tetanus and bacterial infection from open wounds,” ayon kay Vergeire.
“Pinapayuhan din po ng DOH ang publiko na iwasan natin ang paghalik sa mga santo at santa at iba pang imahen at poon sa ating mga simbahan dahil maari po itong maging paraan ng virus transmission,” dagdag niya.
Sa kabila na isa pinaka-importanteng pagdiriwang ang Mahal na Araw, dapat alalahanin rin ng publiko na nandiriyan pa rin ang virus na mas nakakahawa na ngayon dahil sa naglalabasan na variants nito. (Anthony Quindoy)