Nasa ‘downward trend’ na ngayon ang mga naitatalang bagong kaso ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR).
Ito ang inihayag ni OCTA Research Fellow Dr. Guido David nitong Miyerkules, base na rin sa datos na kanyang inilabas at ibinahagi sa kanyang Twitter account.
Ayon kay David, ang seven-day average ng bagong COVID-19 cases ay mas mababa na sa 500, o mula sa 807 mula Oktubre 12-18 ay naging 491 na lamang mula Oktubre 19-25.
Bumaba rin aniya ang mga bagong COVID-19 cases ng mula 1,719 noong Oktubre 1, ay naging 248 na lamang noong Oktubre 25.
Maging ang one-week growth rate ng mga impeksiyon ay bumaba rin sa -39% mula sa dating -7%.
Ang reproduction number naman ay naging 0.74 na lamang noong Oktubre 25 mula sa dating 0.98 noong Oktubre 15.
Ang reproduction number ay tumutukoy sa bilang ng mga taong maaaring ihawa ng sakit ng isang pasyente. Ang reproduction number na mas mababa sa 1 ay indikasyon ng mabagal na hawahan ng virus.
Ang seven-day positivity rate naman sa NCR ay bumaba rin at mula sa 14.6% noong Oktubre 17 ay naging 11.6% na lamang noong Oktubre 24.
Ang positivity rate ay ang porsiyento ng mga taong nagpopositibo sa COVID-19, mula sa kabuuang bilang ng mga taong isinailalim sa pagsusuri.
Samantala, ang healthcare utilization rate naman sa rehiyon ay nananatili sa low risk classification matapos na bumaba pa sa 29% noong Oktubre 24 mula sa dating 35% noong nakaraang linggo.
Nasa low risk pa rin naman ang intensive care unit occupancy sa NCR sa 23%.
Kaugnay nito, muling sinabi ni David na posibleng ang pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa rehiyon noong nakaraang buwan ay dulot ng Omicron XBB subvariant.
Nagpahayag rin siya nang pag-asa na magtutuluy-tuloy na ang pagbaba ng COVID-19 cases hanggang sa holidays.
“In analyzing the trends and the available data, it seems that the June 2022 wave in the NCR was driven by the Omicron BA.5, while the subsequent wave from September may have been driven by the XBB or XBC,” aniya. “Hopefully, the downward trend continues until the December holidays, but there is uncertainty in the trends because of the presence of other subvariants around the world.” (Jantzen Tan)