COVID-19 cases sa NCR, bumaba ng 15% — OCTA

Inihayag ng OCTA Research Group nitong Lunes na bumaba pa ng 15% ang mga bagong kaso ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR) kumpara noong nakaraang linggo.

Gayunman, paglilinaw ng OCTA, nananatili pa ring nasa moderate risk sa COVID-19 ang rehiyon.


“NCR Covid cases decreased by 15% compared to previous week,” ani OCTA Fellow Dr. Guido David sa kanyang Twitter account. “NCR remained at MODERATE RISK at this time but the 2-week decline is encouraging.”

Batay sa datos na ibinahagi ni David, nabatid na ang one week growth rate ng mga bagong COVID-19 cases sa NCR ay nasa -15% hanggang noong Agosto 21, 2022, kumpara sa -1% lamang noong Agosto 14.

Ang reproduction number naman sa NCR ay bumaba na rin sa 1,03 noong Agosto 18, kumpara sa 1.11 noong Agosto 11.


Ang reproduction number ay tumutukoy sa bilang ng mga taong maaaring ihawa ng sakit ng isang pasyente. Ang reproduction number na mas mababa sa 1 ay indikasyon nang pagbagal ng hawahan ng virus.

Ang kasalukuyan naman aniyang 7-day average ng mga kaso ay nasa 1055, o average daily attack rate (ADAR) na 7.32 per 100,000 population.


Samantala, ang positivity rate sa rehiyon ay nasa 14.6% na lamang noong Agosto 20, mula sa dating 16.3% noong Agosto 13.

Ang positivity rate ay yaong porsiyento ng mga taong nagpopositibo sa sakit, mula sa kabuuang bilang ng mga taong naisailalim sa pagsusuri.


Ang healthcare utilization para sa COVID-19 ay nanatili naman sa 37% noong Agosto 20, habang ang ICU occupancy rate naman ay nasa 30% noong Agosto 20, mula sa dating 31% noong Agosto 14.

“At this time, NCR remains at moderate risk. The decrease in cases and positivity rate in the NCR has held for two weeks now, a good sign moving forward,” ayon pa kay David.



Tags: OCTA Research Group

You May Also Like

Most Read