Inamin ni Department of Health (DOH) officer-in-charge Maria Rosario Vergeire nitong Huwebes na mababa pa rin ang COVID-19 booster uptake sa bansa.
Ayon kay Vergeire, base sa datos ng DOH, hanggang noong Setyembre 6 ay nasa 18.3 milyong Pinoy pa lang ang nakakatanggap ng booster shots.
Ito’y kahit nasa 72.6 milyong indibidwal na ang nakakumpleto ng kanilang primary vaccine series o yaong first dose at second dose ng COVID-19 vaccine.
Iniulat pa ni Vergeire na nasa 2.3 milyong Pinoy pa lamang din ang naturukan nila ng booster shot sa ilalim ng inilunsad nilang PinasLakas campaign.
Matatandaang ang PinasLakas campaign ay inilunsad ng DOH noong Hulyo 26 at target nitong makapagturok ng booster shots sa may 23.8 milyong Pinoy, sa unang 100-araw sa posisyon ng administrasyong Marcos o hanggang sa Oktubre 8.
Inamin rin ni Vergeire na maaaring hindi nila maabot ang naturang target dahil sa mabagal na uptake ng pagbabakuna.
“Sa tingin natin, hindi natin ‘yan mararating sa ngayon dahil nga bagal ng uptake. Ang gagawin natin, this will be a phased approach kung saan pagdating ng October 8 o 100 days, we expect na 30% of our eligible population, tapos susunod na ito hanggang sa dulo ng taon,” aniya pa.
Una naman nang sinabi ni Vergeire na maglulunsad sila ng special vaccination campaign laban sa COVID-19 sa Setyembre 26 hanggang 30 upang madagdagan pa ang eligible individuals na matuturukan ng booster shots.
Ayon kay Vergeire, target ng pamahalaan na makapag-administer ng hanggang limang milyong booster shots sa naturang special vaccination campaign.
Sabayan aniyang isasagawa ang naturang kampanya sa buong bansa, at ang pokus nito ay sa mga rehiyon at local government units (LGUs) na mayroong mababang vaccine coverage. (Carl Angelo)














