By: JANTZEN ALVIN
Kasalukuyang nasa kustodiya ng National Bureau of Investigation (NBI) ang tatlong suspek na sangkot umano pagdukot at pagpaslang sa dalawang biktima noong Hunyo 10 sa Baesa, Quezon City. Ang mga ito ay kinabibilangan ng isang Correction Officer, isang dating Peson Deprived of Liberty (PDL) at isang empleyado.
Unang naaresto noong Hulyo 11 at 12 sina ex-PDL Raymond David Reyes at Correction Officer I Pio Jonathan Aniero Eulalio, habang si Vergel Burata Olanda , empleyado ng mga biktimang sina Christian Razon Ortega na pinaslang at kapatid nitong si Gloria Razon Ortega ay nasa kustodiya na ng PNP-Anti-Kidnapping Group. Ang mga biktima ay natagpuan sa isang maburak na bangin sa Talahiban, Barangay Sta. Cruz, Bay, Laguna noong Hulyo 12.
Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, dahil sa tuloy-tuloy na pagtatrabaho ng National Bureau of Investigation-Homicide Division (NBI-HD), kasama ang NBI-Organized and Transnational Crime Division (NBI-OTCD) at ang NBI-Public Corruption Division (NBI-PCD) ay mabilis na naresolba ang kaso.
Napag-alaman na si Olanda ang nagbigay ng suhestiyon para kidnapin ang kanyang magkapatid na employer noong siya ay napiit sa Quezon City Jail at bukod sa tatlo ay may dalawa pa umanong nagplano na kidnapin at ipatubos ang magkapatid. Hindi pa binabanggit ang pangalan ng dalawa.
Ayon kay Santiago alas 2:45 ng madaling araw noong Hunyo 10,2024 habang sakay ang mga biktima ng kanilang L399 van at binabagtas ang L.R.Pascual St.,Barangay Baesa,Quezon City at pagsapit sa Lucas R.Paacual Memorial Elementary School ay hinarang sila ng kulay itim na Fortuner.
Tinangka ni Christian na iatras ang sasakyan ngunit pinagbabaril siya ng mga suspek na nagresulta ng kanyang kamatayan. Doon na dinukot si Gloria at kinuha ang kanyang P100,000 na dala at ibiniyahe siya sa Pampanga, Tagaytay, hanggang sa Laguna.
Pagdating ng hapon ay nag-demand ng P5 milyon ransom money ang mga suspek para sa kalayaan ni Gloria pero nang mainip ay pinatay si Gloria at itinapon ang bangkay sa maburak na bangin na katabi ng private property ni Eulalio na kanilang dating Officer-in-Charge.
Ang mga suspek ay natunton nang imbestigahan si Olanda na noong una ay nagkunwari pang walang alam pero binigyan ng impormasyon ang kanyang mga kasabwat na nag-iimbestiga na ang NBI.
Samantala ay sinampahan ng kasong robbery with homicide at kidnapping for ransom ang mga suspek sa Quezon City Prosecutors Office.














