By: MARK ALFONSO
PINATAWAN ng contempt ng Senado ang lider ng Socorro Bayanihan Services Inc. (SBSI) na si Jay Rence Quilario alyas “Senyor Agila” at ang tatlo pang kasamahan nito.
Ito ay dahil sa pagsisinungaling sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na pinamumunuan ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa kasama ang Committee on Women Children, Family Relations and Gender Equality na pinamumunuan naman ni Sen. Risa Hontiveros.
Nang tanungin ni Sen. Hontiveros si Senyor Agila at mga kasama nito na sina Mamerto Galanida, Janeth Ajoc at Karren Sanico kung mayroon child marriages at rape na nangyayari sa mga miyembro ng SBSI na mariing itinanggi ng apat ang nasabing akusasyon.
Hindi naman kuntento si Hontiveros sa sagot ng mga lider ng kulto kaya ipina-contempt nito ang apat.
“I respectfully move to cite in contempt Jey Rence Quilario, Mamerto Galanida, Janeth Ajoc, and Karren Sanico,” pahayag ni Hontiveros.
Habang wala naman mga senador ang tumutol sa naturang mosyon at isinailalim sa kustodiya ng Senate sergeant-at-arms ang mga ito.
Samantala, sa naturang pagdinig emosyonal din na humarap ang mga menor de edad na biktima ng kulto sa pang-aabuso na sinapit nila kapag hindi sila sumusunod sa kautusan ng SBSI kabilang dito ang pagkulong sa kanila sa fox holes ,pag swimming sa mga tinatawag na aroma beach na isang hinukay na lugar na puno ng dumi ng tao at ihi.
Naging emosyonal naman at nag-iiyak ang ilang batang testigo habang sinasalaysay ang kalupitan at pang-aabuso na sinapit nila sa kamay ng lider ng mga kulto.
Ibinunyag din sa pagdinig ng Department of Education (Deped) na simula noong 2019 ay nagkaroon ng massive dropout ng mga estudyante at high School sa Socorro dahil hindi pinapayagan ni Senyor Agila ang mga bata na pumasok sa eskwelahan.
Pinatunayan naman ito ni Alyas Renz sa pagdinig at naiiyak na sinabi na 12-anyos na siya subalit hindi pa siya marunong magsulat kaya tumakas siya sa naturang grupo.














