“In aid of election, not legislation.”
Ganito isinalarawan ni Manila 3rd District Rep. Joel Chua ang mga nagaganap na pagdinig ukol sa “PDEA leaks” sa Senado.
Ang pahayag ni Chua, na isang abogado, ay kanyang isinagawa sa isang pulong-balitaan sa House of Representatives.
Mabilis ang naging tugon ni Chua sa katanungan kung ano ang kanyang pananaw sa idinadaos na “PDEA leaks” probe sa Senado.
“Ito pong hearing na ito, maliwanag po ay hindi na po in aid of legislation, kung hindi in aid of election at ang tanging layunin lamang ay sirain at yurakan ang pangalan po ng ating Pangulo,” ani Chua.
“Kaya sa akin pong paniniwala, ito po ay pagsasayang lamang ng pera ng taong bayan at oras ng Senado,” dagdag pa nito.
Hindi na pinalawig pa ni Chua ang ibig niyang ipakahulugan sa sinabi niyang “in aid of election” ang naturang mga pagdinig sa Senado, bagama’t malinaw na ang tinutukoy niya ay si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa na siyang chairman ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na siyang nagsasagawa ng naturang “PDEA leaks probe”.