Sina Congressman Joel Chua at Mayor Isko Moreno matapos pagbatiin ng isang 'common friend'. Nasa larawan din sina Congressman Irwin Tieng at Ernix Dionisio.

CONG. JOEL CHUA, MAYOR ISKO MORENO, NAGKABATI NA

By: Jerry S. Tan

Matapos ang ilang buwan ng politikal na awayan, nagkasundo na rin sina Manila third district Congressman Joel Chua at Manila Mayor Isko Moreno na kalimutan na ang di pagkakasundo at magbati nang muli para sa kapakanan ng kanilang mga nasasakupan.

Ang pagbabati ng dalawa ay naganap nitong Sabado, sa isang maayos na pag-uusap sa tanggapan ng alkalde dakong alas-2 ng hapon na tumagal ng mahigit isang oras.


Napag-alaman na isang ‘common friend’ ang kumausap sa dalawa at siyang nagtakda ng pagpupulong.

Pagdating ni Chua kasama ang nasabing ‘common friend’ nila, nagkamayan ang dalawa at hindi na pinag-usapan pa ang nakaraan.

Matapos noon ay nagkwentuhan na sila, kasama sina Congressmen Irwin Tieng at Ernix Dionisio na dinatnan na doon nina Chua.


“We just let bygones be bygones. Para sa kapanatagan ng ating distrito, minarapat po namin na mag-usap at isantabi ang mga hindi pagkakaunawaan. Kami ay magtutulungan para sa mga batang Maynila,” ani Chua.

Samantala, sinabi ni Moreno sa kanyang social media post na ang tatlong nasabing Congressmen ay nag-prisinta ng kani-kaniyang inisyatibo para sa kanilang distrito at ipinagpapasalamat umano niya ito.


Kapwa nagpahayag sina Chua at Moreno ng ‘commitment’ upang magbigay ng pinakamainam na serbisyo para sa mga residente ng ikatlong distrito ng Maynila sa pamamagitan ng pagtutulungan ng national at local governments.

Matatandaan na sina Chua at Moreno ay matagal nang magkaibigan at magkaalyado sa pulitika. Nagkahiwalay sila nang tumakbo si Chua sa ilalim ng tiket ni dating Mayor Honey Lacuna nitong May 2025 elections, kung saan nanalo si Chua para sa kanyang ikalawang termino.


Tags: Joel Chua, Manila Mayor Isko Moreno

You May Also Like