Inihayag ng College of Cardinals nitong Lunes na sisimulan na nila ang pagdaraos ng conclave para sa paghahalal ng bagong Santo Papa, kapalit ng yumaong si Pope Francis, sa Mayo 7.
Kinumpirma rin ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na isa si Cardinal Luis Antonio Tagle sa tatlong cardinal, na napili upang tumulong kay Camerlengo, Cardinal Kevin Farrell, sa gagawing paghahanda para sa conclave.
Ayon sa Vatican, ang naturang petsa ay pinagdesisyunan sa isang closed-door meeting ng mga Cardinal, na isinagawa matapos na mailibing si Pope Francis noong Sabado.
Napag-alamang nasa 135 cardinals, na lahat ay wala pang 80-taon ang edad at mula sa iba’t- ibang panig ng mundo, ang eligible upang makilahok sa gagawing pagpili ng ika-267th na Santo Papa ng Simbahang Katolika, sa loob ng Sistine Chapel.
Inaasahang si Cardinal Giovanni Battista Re, dean ng College of Cardinals, ang magpe-preside sa conclave.
Kinakailangan umano ng isang cardinal na makakuha ng two-thirds majority o 90 na boto, upang mahalal bilang bagong Santo Papa.
Binabantayan naman ng mga mananampalataya ang usok na lumalabas sa chimney ng Sistine chapel na siyang nagsasaad kung nakapili na ng bagong Santo Papa ang mga cardinal.
Ang itim na usok na lalabas sa chimney ay nangangahulugang wala pang napipiling bagong Santo Papa ngunit kung puti naman ang usok, ay nangangahulugan itong nakapaghalal na sila ng bagong supreme pontiff.
Ayon sa CBCP, bukod kay Tagle ay kabilang din sa mga cardinal na tutulong sa preparasyon para sa conclave sina German Cardinal Reinhard Marx, na nagsilbing coordinator ng Council for the Economy, at si French Cardinal Dominique Mamberti, prefect ng Apostolic Signatura.
Si Tagle ang kasalukuyang pro-prefect ng Dicastery for Evangelization sa Vatican.