Latest News

COMMITMENT ORDER SA 6 NA PULIS SA JEMBOY CASE, INAABANGAN NG PNP

By: Victor Baldemor Ruiz

INAANTABAYANAN na lamang ng Philippine National Police kung saan ipag-uutos ng korte na ikulong ang anim na pulis na sangkot sa sinasabing ‘mistaken identity case’ na ikinamatay ng binatilyong si Jemboy Marquez sa Navotas.

Ito ay kasunod ng ginawang pagsuko ng anim na akusadong pulis.


Ayon sa tagapagsalita ng PNP na si Col. Jean Fajardo, kasalukuyang hinihintay nila ang ilalabas na commitment order ng korte laban sa anim na pulis para matukoy kung saang piitan sila dadalhin.

Kasunod ito ng boluntaryong pagsuko ng anim na mga dating pulis-Navotas matapos na maglabas ng arrest warrant ang Navotas City Regional Trial Court Branch 286 laban sa kanila kaugnay sa nasabing kaso.

Una nang naglabas ng Warrant of Arrest laan sa kanila para sa kasong murder at ito ay non-bailable.


Samantala, hangga’t wala pang natatanggap na commitment letter ang PNP ay sinabi ng opisyal na ibabalik na muna ang anim sa kustodiya ng Criminal Investigation and Detection Group sa Lucena City sa Quezon.

Una nang sinabi ni PNP-CIDG director PMGen. Romeo Caramat, Jr. na kasalukuyan nang isinailalim ngayon sa booking procedure and documentation ang mga naturang pulis para sa proper disposition.


Ayon pa kay Caramat, sumuko ang anim na dating Navotas police sa PNP Criminal Investigation and Detection Group Quezon Provincial Field Unit na kinilalang sina:PEMS Roberto Balais Jr y Dioso; PSSg Gerry Maliban y Sabate; PSSg Antonio Bugayong Jr y Balcita; PSSSg Nikko Pines Esquilon y Corollo; PCpl Edmard Jade Blanco y Sorbito; at Patrolman Benedict Mangada y Danao.


Tags: Philippine National Police

You May Also Like