WALA pa umanong natatanggap na reklamo ang Commission on Elections (Comelec) mula sa Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) kaugnay sa accuracy ng halalang idinaos nitong Lunes.
Sinabi ni Comelec Commissioner George Garcia nitong Martes na kailangan lamang ng PPCRV, na nagsilbing citizen’s arm ng poll body, na ikumpara ang hard copies ng mga election returns sa mga datos na nai-transmit mula sa transparency server, upang mapatunayan ang accuracy ng election results.
“There is one way to prove the accuracy of the results as transmitted. PPCRV will just compare the hard copies of the election returns as collected nationwide with the results per precinct from the transparency server. As of today, we have not received any complaints from our citizen’s arm,” mensahe pa ni Garcia sa mga mamamahayag.
Sa partial at unofficial tally, hanggang alas-11:02 ng umaga ng Martes, ay umaabot na sa 97.07% ang total election returns (ERs) na naiproseso habang ang botong pumasok ay 54,595,236 na, mula sa rehistradong botante na 67,442,616.
Patuloy pa rin namang nangunguna si dating senator Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa presidential race sa botong 30,774,599.
Malayo ang kanyang lamang sa pumapangalawang si Vice President Leni Robredo na may 14,686,902 boto lamang.
Sa vice presidential race, patuloy pa ring nangunguna si Davao City Mayor Sara Duterte, sa botong 31,184,002 o lamang ng mahigit 22 milyong boto sa pumapangalawang si Sen. Kiko Pangilinan na nakakuha naman ng botong 9,146,422. (TSJ)














