Comelec, umaasang lalabas na ang desisyon kung sususpindihin ang BSKE o hindi

UMAASA ang Commission on Elections (Comelec) na makakapag-desisyon na ang Kongreso kung sususpindehin ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa katapusan ng kasalukuyang buwan ng Agosto upang makapaghanda sila.

Sinabi ni Election Chairman George Erwin Garcia na handa na silang humarap sa pagdinig na ipatatawag ukol sa BSKE kung sususpindehin ito o itutuloy sa Disyembre.


Sa kabila ng katwiran na makakatipid ang pamahalaan ng P8.141 bilyong pondo, personal na paniwala ni Garcia na dapat matuloy ang eleksyon upang hindi na muling mapagkaitan ng demokrasya ang mga botante.

“Tama po na magkaron ng halalan. Subalit, kinikilala natin na ito ay isang absolute na discretion ng ating Kongreso kung ipagpapaliban o itutuloy ang darating na halalan na SK and barangay election,” ayon kay Garcia.

Ang eleksyon rin umano ang paraan para mapalitan na ang mga tiwali, mga walang ginagawa sa posisyon, at walang maipakitang performance sa pamahalaan.


“At the same time, ‘yan naman ay isang pagkakataon din upang mapanatili natin ang mga lider na sa ating palagay naman ay karapat-dapat na mamahala sa atin nang tuloy-tuloy,” dagdag pa niya. (Jaymel Manuel)


Tags: Commission on Elections (Comelec)

You May Also Like