NASA 1,720 na ang bilang ng mga nahuhuling lumalabag sa ipinapatupad na gun ban ng Commission on Elections (COMELEC) sa loob lamang ng 60 araw na implementasyon nito .
Sa datos ng Philippine National Police, nasa 1,654 ng mga naaresto ay pawang mga sibilyan, 27 ang Security Guards, habang 15 naman ang kasapi ng at siyam naman sa hanay ng mga sundalo at may 15 iba pa nagmula sa ahensya ng pamahalaan.
Resulta ito nang 1,598 police operation na ikinasa sa iba’t ibang panig ng bansa buhat nang magsimula ang panahon ng halalan.
Sumampa naman sa 1,325 ang kabuuang bilang ng mga nakumpiskang armas, 662 ang mga nakumpiskang deadly weapon at pampasabog habang nasa 7,426 ang mga bala.
Lumilitaw din na nasa metro Manila ang pinakamaraming lumabag sa total gun ban ng COMELEC na umaabot na ngayon sa 615 ang mga naaresto, 189 sa CALABARZON, 183 sa Central Visayas, 171 sa Central Luzon at 90 sa Western Visayas.
Ayon sa National Capital Region Police Office nitong Miyerkoles, 410 sa mga indibidwal na inaresto ay nahuli dahil sa pagpapatrolya ng mga pulis, at 150 naman ang dahil sa magkakahiwalay na police operation.
Nasa 39 naman ang nahuli sa mga police checkpoints at 4 ay noong nagsisilbi sila ng mga search warrant.
Aabot naman sa 234 ang bilang ng mga firearm na kanilang nakumpiska, habang 67 naman ang mga improvised firearms kagaya ng sumpak at iba pa.
Nakasaad sa Section 261 ng Omnibus Election Code na lahat ng mahuhuling lalabag sa gun ban o anumang election offense ay maaaring makulong 1 hanggang 6 na taon.
Magugunitang sinimulan ang 150 days gun ban implementation noong Enero 8, 2022 at magtatapos sa Hunyo 8, 2022. (VICTOR BALDEMOR)