Inihayag ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na pormal nang nagtapos nitong Huwebes ang ipinairal na Special Register Anywhere Program (SRAP) ng Commission on Elections (Comelec) para sa 2025 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Ayon kay Garcia, plano nilang palawigin pa ang SRAP at dalhin na rin sa mas marami pang mga malalayong lugar sa iba’t ibang panig ng bansa.
“We will launch the SRAP nationwide. We will bring it even [to] Marawi City and Iligan City. We will also hold it in cities, highly urbanized and component cities, because it is necessary,” ayon kay Garcia, nang personal na bisitahin ang SRAP sa punong tanggapan ng Department of Budget and Management (DBM).
Ang SRAP ay ipinairal ng Comelec mula Agosto 1 hanggang 7 sa layuning mas maraming botanteng mairehistro para sa BSKE. Ang 10-araw na voter registration naman para sa BSKE ay nakatakda na ring magtapos sa Agosto 10.
Sinabi ni Garcia na sakaling maipagpaliban ang pagdaraos ng naturang halalan sa susunod na taon ay muli silang magsasagawa ng voter registration sa ikatlong linggo ng Oktubre hanggang sa Hulyo 2026.
Ang 2025 BSKE ay nakatakda sa Disyembre 1, 2025 ngunit maaari itong maisagawa sa Nobyembre 2026 sa sandaling mag-lapse at tuluyang maging batas ang panukalang ipagpaliban ito, ani Garcia.














