Latest News

COMELEC, PINASUSURI NA ANG KANDIDATURA NI MAYOR ALICE GUO

By: Philip Reyes

Iniutos na ng Commission on Elections (Comelec) ang pagsasagawa ng imbestigasyon ukol sa kandidatura ni suspendidong Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Ayon sa Memorandum No. 2024-0919 na inilabas ni Comelec Chairman George Erwin Garcia noong Hulyo 6, 2024, inatasan nito si Comelec Law Department Director Maria Norina Tangaro-Casingal na bumuo ng isang fact-finding committee para mag-iimbestiga ukol sa kandidatura ni Guo noong 2022 National and Local Elections.

Ayon kay Garcia, aalamin ng komite kung nagkaroon nga ba ng material misrepresentation sa certificate of candidacy (COC) na maaaring magresulta sa paghahain ng election offense case laban kay Guo.

Kaugnay niyan ay inatasan rin ni Garcia ang Law Department na makipag-ugnayan sa National Bureau of Investigation (NBI), Office of the Solicitor General at Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality upang makakuha ng impormasyon na makatutulong sa gagawin nilang pagsisiyasat.

Maaari rin umano nitong ipag-utos ang pagsasagawa ng technical analysis sa mga dokumento na nagtataglay ng fingerprints ng mga rehistradong botante na may pangalang Alice Guo, upang tukuyin ang kanyang pagkakasala, kung mayroon man.

Inatasan rin umano itong gumawa ng rekomendasyon sa Commission en banc kung kakailanganin ang paghahain ng kaso laban sa alkalde.

“In view of public interest in the controversy surrounding Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, you are directed to create a Fact-finding Committee to investigate her candidacy for the 2022 National and Local Elections,” saad ng ng memorandum.

“The Committee shall determine whether there was material misrepresentation in her certificate of candidacy which would warrant the filing of an election offense case,” dagdag pa nito.

Tags:

You May Also Like

Most Read